MANILA, Philippines - Magkahawak kamay pa nang matagpuang patay ng mga awtoridad ang mag-utol na bata matapos makulong ng apoy sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Poblacion, Zone 2, bayan ng Villasis, Pangasinan noong Martes ng gabi. Kinilala ang mga biktima na sina Anthony Canivas Jr., 4; at Mark Laurence Canivas,1. Lumilitaw sa imbestigasyon na pansamantalang iniwan ng magka-live-in na Anthony at Mary Grace ang dalawang anak na natutulog para manood ng palabas sa piyesta pero pagbalik ng mga ito ay nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay. Nagtamo naman ng mga lapnos at paso sa katawan si Anthony matapos tangkaing sagipin ang dalawa nitong anak. Pinaniniwalaang natabig ng isa sa mga bata ang gasera na ilaw na nakapatong sa mesa sa tabi ng kama kung saan pinagmulan ng sunog.