2 mag-aaral pisak sa trak

MANILA, Philippines - Dalawang mag-aaral ang namatay habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos masagasaan ng cargo truck habang nagdya-jogging sa kahabaan ng highway sa Barangay Maayong Tubig, bayan ng Dauin, Negros Oriental kamakalawa ng madaling araw. Naisugod naman sa ospital subalit namatay din ang mga biktimang sina James Allen Capuyan at Mark Geronilla na kapwa 15-anyos. Patuloy namang ginagamot si Geran Bantayanon habang nakaligtas naman ang 2 pa sa mga kabataang estudyante na nakasaksi sa pangyayari dahil nagkataong jumi-jingle ang mga ito sa damuhan. Sa ulat na nakara­ting sa Camp Crame lumilitaw na nagkaisang mag-jogging ang mga biktima nang masagasaan ng cargo truck ng L.C. Big Mak Burger Inc. na minamaneho ni Romel Empinado ng San Carlos City. Sumuko naman sa pulisya  ang mag-amang pahinante ng truck na sina Leonardo Alferez, 42; at Raymart, 20 habang tumakas naman ang driver na si Empinado.

Show comments