MANILA, Philippines — Maaaring makasuhan ang mga namanata sa Mount Banahaw sa lalawigan ng Quezon kasunod nang sunog sa bundok.
Naiwang nakasinding kandila ng mga namamanata ang suspetsa ng mga awtoridad na pinagmulan ng sunog sa bundok na tumagal ng 18 oras.
Ayon sa mga awtoridad ay ilegal ang pagpasok ng mga miyembro ng Hiwaga ng Bundok Banahaw Inc. sa ipinagbabawal na parte ng bundok.
Kaugnay na balita: Mount Banahaw nasusunog
Limang katao ang nailigtas matapos ma-trap sa sunog, ngunit anim na kasamahan pa nila ang nawawala, kabilang ang pitong-taong-gulang na babae.
Sinabi ni Banahaw Forest Ranger Magtanggol Baryon na nilabag ng mga namamanata ang Republic Act 9847 o ang "Mts. Banahaw - San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL) Act of 2009."
Nakasaad sa batas na maaaring makulong ng apat na buwan hanggang 20 taon ang mapapatunayang lumabag sa naturang batas depende sa laki ng pinsalang ginawa ng forest fire.
"Suspect na sila kasi wala silang authority pumunta doon. Kung authorized sila dapat may kasama silang guide. Kasi yung area na 'yon ay puro talahib," wika ni Baryon sa isang panayam sa telebisyon.
Naniniwala rin si Protected Area and Management Board official Sally Pangan na man-made ang sunog.
"'Pag na determine na ilang araw sila nag-stay doon, baka may probable cause na sila yung grupo na nag-cause nung fire incidents na nangyari sa Banahaw," banggit ni Pangan.
Sa tantiya ng Department of Environmental and Natural Resources ay nasa 50 hektarya ng lupa ang nasunog.