MANILA, Philippines – Nasakote ang isang babaeng nagpapatakbo ng drug den, habang huli rin ang 10 iba pa sa sting operation ng mga awtoridad sa Iligan City.
Pinangalanan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Arturo Cacdac Jr. ang suspek na si Reyna Dacula, 39, na ginagawang drug den ang kanyang bahay sa Purok 5, Saray, Iligan City.
Kinilala ang iba pa na sina Luis Baloncio, 27; Jorien Dacula, 20; Carlos Macalyag, 35; Jun Rey Baroy, 29; Rey Timkang, 30; Jason Iglesias, 18; Roly Ornopia, 32; Archie Relacion, 33; at Jonathan Paner, 22.
Hindi naman binigay ang pangalan ng isa sa mga nadakip dahil menor de edad, habang nakatakas ang partner ni Dacula na si Julius Bitara.
Nadakip ang mga suspek matapos pagbentahan ni Dacula ang isang undercover agent ng PDEA ng dalawang pekete ng shabu sa kanilang bahay.
Umabot sa 19 na pakete ng shabu at iba’t ibang drug paraphernalia ang nakumpiska sa loob ng bahay ni Dacula.
Nahaharap si Dacula sa kasong paglabag ng Section 6 (Maintenance of a Den, Dive or Resort), Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasong paglabag sa Section 7 (Employees and Visitors of a Den, Dive or Resort), ng anti-drug law ang ihahain sa 10 iba pa.