Convoy ni VP Binay swak sa bangin

MANILA, Philippines - Tatlong security staff at isang photographer ni Vice President Jejomar Binay ang nasugatan makaraang mahulog ang sinasakyang SUV na kabilang sa convoy ng sasakyan ng opis­yal sa matarik na bahagi sa highway sa Banaue, Ifugao kahapon.

Ayon kay P/Senior Supt. Edwin Butacan, chief ng Cordillera Highway Patrol Unit, naganap ang sakuna sa bahagi ng Barangay Mahhung dakong alas-11 ng umaga.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Sgt. Danilo Tamo, Sgt. Alexander Sicat, Corporal Alexander Solis, mga security staff ni Binay at ang photographer nito na si Ramon Campita.

Nabatid na pinakagrabe sa nasugatan si Campita na nawalan ng malay-tao sa matinding pinsala na tinamo sa sakuna kung saan ginagamot sa Good News Clinic.

Ayon kay Butacan, bumabagtas ang convoy ni Vice President Binay nang mahulog sa 15-metrong bangin ang Toyota Fortuner na sinasakyan ng mga security marshal.

Hindi naman nasaktan ang Bise Presidente sa nasabing insidente dahil iba ang sinasakyan nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa nangyaring sakuna na nataon sa pagbisita ni Binay sa Ifugao kung saan may dinaluhan itong aktibidad.

Show comments