BULACAN, Philippines - — Dahil sa awayan sa computer games na dota ay brutal na napaslang ang 11-anyos na totoy matapos itong pagsasaksakin ng kanyang kaibigang 16-anyos sa bahagi ng Barangay Santisima Trinidad sa Malolos City, Bulacan, ayon sa ulat kahapon.
Base sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng 37 saksak sa iba’t ibang katawan at basag pa ang likod na bahagi ng bungo ng biktimang si Mark Jericho Surio, grade 5 pupil sa Barihan Elementary School at nakatira sa Purok 4 sa nasabing barangay.
Samantala, ang suspek na itinago sa pangalang Boyet ay pansamantalang nasa pangangalaga ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Base sa imbestigasyon ni P/Senior Insp. Joy Placido deputy chief of police ng Malolos City PNP, dakong alas-10 ng gabi nang natagpuan ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote malapit sa kanilang bahay.
Huling namataang buhay ang biktima na kasama ng suspek na naglalaro ng computer games kung saan hindi na ito nakauwi kaya napilitang hanapin ng mga magulang.
Nabatid din sa ulat ng pulisya na bago ang pamamaslang ay nag-away ang magkaibigan kaugnay sa pag-corrupt sa computer ng suspek dahil sa larong dota.
Gayon pa man, nakiusap ang suspek na muling i-restore ang dota games pero tumanggi ang biktima kaya nagdilim ang paÂningin nito at isinagawa ang krimenÂ.
Narekober sa crime scene ang double blade na balisong na sinasabing ginamit ng suspek.