BATANGAS , Philippines – Walong pampasaherong bus ang sinunog ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa loob ng terminal nito sa bayan ng Lemery, Batangas kahapon ng madaling araw.
Ayon kay P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director, pinasok ng mga armadong kalalakihan na naka-camouflage ang terminal ng Jam Liner Inc. sa Barangay Palanas bandang alas-12:55 ng umaga.
Dinisarmahan ang security guard na sina Welijado BaÂnastao, 32; at Marlon Pineda, 27, kapwa D-Black Pretorians Security Agency.
Gayon pa man, binuhusan ng gasolina ang mga bus matapos pababain ang mga natutulog na mga drayber at mga konduktor sa loob ng mga sasakyan.
Sinabihan ng mga rebelde ang mga kawani na huwag makialam at ang pakay ay ang management, ayon kay PO2 Richard Caragay
Bago maganap ang panununog, nakatanggap ng extortion letter ang management ng bus noong Oktubre o Nobyembre kung saan nanghihingi ang mga rebelde ng hindi pa malamang halaga.
Matapos ang incidente, mabilis na tumakas ang mga armadong lalaki sakay ng dalawang van patungo sa bayan ng Calaca.
Wala namang sinaktan kung saan tinangay ang cal. 38 revolver at shotgun ng mga sekyu, handheld radio, power supply para sa desk computer at cellphone.
Kasalukuyang ikinasa ang dragnet operation ng mga opeÂratiba ng pulisya police laban sa mga armadong kalalakihan.