TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines – Napatay ang 44- anyos na mangingisda matapos itong pagtulungang pagtatagain at tuhugin ng kawayan ng mag-ama dahil lamang sa away ng mga anak kamakalawa sa Barangay Poblacion, bayan ng Pagudpud, Ilocos Norte.
 Naisugod ng mga kasamahan ang biktimang si Ruben Madriaga sa Bangui District Hospital subalit namatay din habang ginagamot. Samantala, arestado naman ang mga suspek na sina Duardo Aldos, 40, at Eddie Cris Aldos, 18, pawang magkakapitbahay sa nasabing barangay. Sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Jonathan Papay, hepe ng Pagudpud PNP, lumalabas sa imbestigasyon na sumiklab ang pagtatalo sa pagitan ng biktima at mag-amang suspek kaugnay sa away ng kani-kanilang mga anak. Naganap ang krimen habang nangingisda ang biktima at mga suspek kung saan naging testigo ang ilang kabaro ng biktima na nangingisda rin sa nasabing karagatan.