BULACAN, Philippines - - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 30-anyos na bodyguard habang tatlong iba pa ang nasugatan kabilang si Malolos City Mayor Christian Natividad makaraang salpukin ng trak ang kanilang SUV sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Sto. Cristo, bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Bulacan Medical Center ang biktimang si Roderick Santiago na sinasabing hindi na naipagdiwang ang kanyang kaarawan kahapon habang sugatan naman ang nasabing alkalde at dalawang close-in bodyguard na sina Nicanor Reyes Jr., 36; at Maverick Jake Perez, 22.
Pormal namang kinasuhan ng pulisya ang drayber na si Roger Garces, 33, ng Brgy. Tandang Sora sa Quezon City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na patungong katimugan ang sasakyan ni Mayor Natividad kasama ang tatlo nitong alalay nang salpukin ng trak (RKD557) ni Garces pagsapit sa nasabing lugar.
Maging ang sasakyan ng JD Farm Inc. na nakaparada sa gilid ng highway ay binangga rin ng trak ni Garces.