2 anak hinostage ng tatay na adik

CAVITE, Philippines - – Pinaniniwalaang nasa impluwensya ng bawal na droga ang 32-anyos na tatay kaya hinostage nito ang dalawang anak habang sinaksak naman ang kanyang misis sa naganap na hostage drama  sa bahagi ng Southplain Executive Village sa Dasmariñas City, Cavite kahapon ng umaga.

Pormal na kinasuhan ni P/Supt. Carlos Barde, ang suspek na si Mark Anthony Rigencia habang nakaligtas naman ang misis nitong si Ginalyn, 29, at ang dalawang anak na menor-de-edad.

Bandang alas-7:30 ng umaga ng magsimulang mag-away ang mag-asawa sa hindi nabatid na dahilan kung saan sinaksak ng suspek ang kanyang misis saka hinostage ang dalawang anak.

Humingi naman ng saklolo sa ilang opisyal ng barangay si Ginalyn matapos itong makatakas mula sa loob ng kanilang bahay.

Gayon pa man, sumuko ang suspek matapos ang ilang minutong negosasyon ng pulisya kung saan nailigtas naman ang dalawang bata.

Ayon sa pulisya, ang suspek ay sinasabing wanted sa Mindoro sa kasong frustrated murder.

Show comments