P400-M shabu nasabat: 3 arestado

Batangas, Philippines - — Mahigit sa 80 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa 400 milyong piso ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa  ng PDEA, AIDSOTF at Batangas police sa isinagawang drug raid sa lungsod ng Lipa, kahapon ng umaga

Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Fernando Sagun Jr., ng QC-RTC Branch 78, sinalakay ng mga tauhan ng gobyerno ang isang farm na pag-aari ng isang George Torres at naaresto ang tatlong ta­uhan nito bandang alas-7 ng umaga­ kahapon.

Arestado sina Gary Tan, 28, farm manager, Arjay Argenos, 29; at Rochelle Ar­genos, 28, pawang mga farm caretaker ng mga pa­nabong na manok.

Ayon sa report, apat na buwang  sinubaybayan ng mga awtoridad ang drug syndicate na kabilang sa ‘Mexico drug connection’ at sinasabing responsable sa pagpapapasok ng droga sa bansa hanggang masakote nila ang mga ito sa Lipa City.

Bukod sa droga, nakakumpiska rin ng isang shotgun at isang pistola mula sa mga suspek.

Wala naman sa area ang may-ari ng farm nang isagawa ang raid.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drug act of 2012 at illegal possession of firearms ang mga arestadong suspek.

Show comments