Karambola sa NLEX: paslit utas, 4 sugatan

MANILA, Philippines - Isang 5-anyos na bata ang nasawi habang apat pa ang malubhang nasugatan makaraang salpukin ng rumaragasang dumptruck  ang isang van na bumangga rin sa isa pang sasakyan sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Angeles City, Pampanga kahapon ng umaga.

Sa paunang report ni NLEX Spokesman Benigno “Buboy” Valles, kinilala ang nasawing bata na si Tiffany Mae Amad, habang mabilis na isinugod ng rescue team sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlong nasugatan na sina Lourdes Amad, 48; Anja­nette Amad, 12; Janjalani Amad, 14 at Alanlan Mendoza upang malapatan ng lunas.

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang sakuna sa Dau-Angeles area, may isang kilometro mula sa NLEX Angeles exit ng lungsod dakong alas-5:30 ng umaga.

Nabatid na bumangga umano ang kulay pulang Isuzu dumptruck (WRI-576) na minamaneho  ng isang Dindo Hipolito sa Mistubishi Canter van (TYF 814) na minamaneho ni Randy Cawas hanggang sa mahagip pa ang isa pang pulang Isuzu Forward Aluminum Wing van.

Show comments