2 brgy. tanod, 1 pa itinumba

MANILA, Philippines - Dalawang Brgy. Tanod ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang wanted sa kasong murder na napaslang naman ng hindi pa kilalang lalaki sa naganap na karahasan sa Barangay Laga-an, bayan ng Calatrava, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Ludovico Losaria, 46; Hilario Quezon, 43, kapwa tanod sa Barangay Dolis, Calatrava; at ang wanted na si Eleazar Espadilla, 31.

Sa ulat ni P/Senior Inspector Robert Mansueto na nakarating sa Camp Crame, nagalit at rumesbak si Espadilla kay Quezon matapos itong magsilbing guide ng mga pulis para isilbi ang warrant of arrest noong Nobyembre 2013 kung saan nagawa nitong makatakas.

Natiyempuhan ni Espadilla si Quezon habang nakikipag-inuman kay Losaria na agad nitong pinukpok ng cal. 45 pistol sa ulo saka pinagbabaril.

Akmang tutulungan naman ni Losaria si Quezon kaya pinagbabaril din ito ni Espadilla at kaagad na tumakas subalit may bumaril dito na napruhan sa leeg.

Show comments