Ama inutas sa birthday ng anak

BULACAN , Philippines   - Nabahiran ng kalungkutan ang pagdiwang ng kaarawan ng isang batang lalaki makaraang mapagtripang pagsasaksakin at mapatay ang kanyang ama ng mag-asawa kamakalawa ng gabi sa Barangay Binagbag, bayan ng Angat, Bulacan.

Kinilala ang napatay na si Roger Balboa, 42, habang nakakulong naman ang mga suspek na sina Elly Duena at Elizabeth Duena na kapwa nakatira sa Parang-Parangan sa nasabing barangay.

Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Rex Morales nag-iinuman ng alak ang biktima at ilang bisita sa kanilang bahay dahil sa kaarawan ng kanyang anak nang biglang dumating ang mag-asawang Duena kung saan hinahanap ang kanilang anak na babae.

Dito na lumapit ang biktima saka inalok ng alak ang lalaki subalit minasama nito hanggang sa mauwi sa matinding pagtatalo.

Gayon pa man, napikon ang mag-asawa at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima kung saan hindi pa nakontento ay sinapak pa ng babae kahit na duguang nakabulagta.

Show comments