Trader itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Napatay ang 34-anyos na negosyanteng lalaki matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa harapan ng public market sa Barangay Poblacion, bayan ng Sindangan, Zamboanga del Norte kamakalawa. Naisugod pa sa Sindangan District Hospital subalit idineklarang patay si Christopher Lopez ng Barangay Pangalalan sa nasabing bayan. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nakaupo ang biktima sa harap ng tindahan ng gulay nang lapitan at ratratin ng di-kilalang lalaki bandang alas-10:20 ng umaga. Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng cal. 45 pistol habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments