2 COP sinibak sa pandodoktor ng crime report
MANILA, Philippines - Dalawa pang hepe ng pulisya sa Central Luzon ang sinibak sa puwesto habang apat pa ang masusing iniimbestigahan kaugnay sa pandodoktor ng crime report na isinumite ng mga ito sa PNP Headquarters sa Camp Crame.
Kinilala ni PNP Public Information Office Chief P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac ang mga sinibak na sina P/Supt. Ponciano Zafra ng Gerona PNP sa Tarlac at P/Chief Inspector Orlando Reyes, station commander ng PNP station 2 sa Olongapo City PNP.
Samantala, apat na daÂting mga hepe sa Angeles City, Pampanga at Bataan ay kasalukuyan namang sumasailalim sa pre-charge investigation sa kahalintulad ng paglabag sa command memorandum circular ni PNP Chief Director General Alan Purisima.
Kabilang sa sumasailalim sa pre-charge investigation ay sina P/Supt. Neil Miro, ex-COP ng Mexico PNP; P/Chief Insp. Melencio Santos, ex-COP ng Station 4 sa Angeles City PNP; P/Chief Insp. Ronaldo Lorenzo, ex-Station 5 commander ng Angeles City PNP; at si P/Senior Insp. Michael Chavez, ex-COP ng Station 3 sa Olongapo City PNP.
Ang pagsibak at pagsailalim sa mga hepe sa Central Luzon PNP ay rekomendasyon ni Purisima kay PNP Director Franciso Don Montenegro, PNP director for Investigation and Detective Management (DIDM) base sa audit simula noong Agosto 27 hanggang Setyembre 1, 2013.
- Latest