MANILA, Philippines - Iniutos na kahapon ni PNP Chief Director General Alan Purisima ang pagsibak sa puwesto sa isang provincial director at 12 pang hepe ng pulisya sa Western Visayas region matapos na masangkot sa pandudoktor umano ng crime report.
Kabilang sa pinasisibak na opisyal ay si P/Senior Supt. Pedroto Escarilla, provincial director ng Aklan PNP Office.
Samantala, ang mga hepe ng pulisya ay tinukoy na sina P/Senior Insp. Elberto Pudadero ng Sta. Barbara sa Iloilo; P/Supt. David Cachumbo Jr. ng Bago City, Negros Occidental; P/Senior Insp. Anthony Grande ng Pulupandan; P/Supt. Calixto Mabugat ng Kabankalan City; P/Supt. Rosauro Francisco Jr. ng Silay City; P/Senior Insp. Ahlie Extember ng Jordan sa Guimaras; P/Chief Insp. Norby Escobar ng San Jose de Buenavista, Antique; P/Insp. Frankie Gatila ng Libertyas, Antique; P/Supt John Limwell Villafranca ng Kalibo, Aklan; P/Senior Insp. Ricky Bontogon ng Ibajay; P/Senior Insp. Francisco Balais ng Buruanga; at si P/Senior Insp. Joefer Cabural ng Boracay Tourist Action Center.
Kasabay nito, pinagpapaliwanag naman ni Purisima si police regional office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. kung bakit hindi nasusunod ang mahigpit na direktiba ng PNP headquarters na dapat ay makatotohanan lamang ang ulat sa mga crime data.
Lumitaw ang pandudoktor sa crime statistics sa huling audit na isinagawa ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Chief P/Director Francisco Don Montenegro.
Ang audit ay sinimulan noong Setyembre 9-20 kung saan ay isinagawa ang pag-iinspeksyon at pang-validate ng mga police blotters sa 27 police stations mula sa anim na provincial offices at dalawang city PNP office na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng PRO 6.
Nadiskubre na nasa 6,800 insidente ng krimen na nasa 41.6 % ang hindi naiulat sa PRO 6 patungo sa DIDM bago isumite sa Camp Crame.
Samantala, 17 pang ex- police commander sa rehiyon ang patuloy na sumasailalim sa pre-charge investigation sa kaparehong pagkakasala.