Ex-school supt., 3 pa dinukot ng Abu
MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang apat-katao kabilang ang isang retiradong school superintendent at isang negosyante sa bayan ng Siasi, Sulu noong Martes ng gabi.
Sa panayam, kinilala ni Col. Jose JohÂriel Cenabre, commander ng 2nd Marine Brigade at Task Force Sulu ang mga kinidnap na sina Saladin Teo, dating superintendent ng eskuwelahan.
Ang tatlo pa ay sina Qurliang Ngo, negosyante; Abswan Hawan at isang tinukoy sa pangalang Nal Joe.
Sinabi ng opisyal na bandang alas-6:30 ng gabi nang dukutin ang apat sa bahay ni Teo sa Barangay North Laud, Siasi.
Ilang residente ang nakasaksi na ang mga biktima ay isinakay sa speedboat patungo sa hilagang bahagi ng karagatan ng Siasi.
Samantala, bandang alauna ng madaling-araw kahapon ay pinakawalan ng mga kidnaper ang dalawa sa mga bihag na sina Hawan at Joe na inabandona sa Brgy. Tagbak, Indanan.
Ang dalawang nakalayang bihag ay itinurnover na ng barangay chairman sa mga awtoridad habang nagpapatuloy naman ang pagtugis ng pinagsanib na elemento ng Philippine Marines at ng pulisya laban sa grupo ng mga kidnaper.
- Latest