2 sundalo tinodas sa simbahan

MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ng Philippine Marines ang na­patay matapos na pagbabarilin ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na ikinasugat din ng dalawang bata sa bisinidad ng simbahan sa bayan ng Jolo, Sulu kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni 2nd Marine Brigade at Joint Task Force Sulu Commander Col. ­Johriel Cenabre ang dalawang sundalo na sina Cpl. Danilo Agustin at Pfc. Gilmor Panitan na kapwa nakatalaga sa 29th Marine Company sa ilalim ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 9.

Ayon kay Cenabre, nagsasagawa ng security patrol ang dalawang sundalo sa bisinidad ng Mt. Carmel Cathedral nang pagbabarilin ng mga armadong bandido dakong alas-11:45 ng umaga.

Matapos na pagbabarilin ang dalawang sundalo ay mabilis na nagsitakas ang mga bandido patungo sa direksyon ng Barangay San Raymundo.

Nagawa pang maisugod ng mga kasamahang sundalo ang dalawang biktima sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Barangay Busbus pero idineklarang patay.

Ayon din sa opisyal,  na­sugatan naman ang dalawang bata na sina Daniela Rose Iting, 6, nagtamo ng sugat sa kanang braso; at Ellyeza Faith Salo, nagtamo ng tama ng ligaw na bala sa kanang paa.

Show comments