Retiradong guro kinatay

MANILA, Philippines - Brutal ang sinapit na kamatayan ng isang retiradong guro matapos itong igapos at pagsasaksakin ng hindi pa nakilalang salarin sa Brgy. San Roque, Zamboanga City kamakalawa.

Kinilala ang nasawing biktima na si Merlina Herbano, 64-anyos, retiradong guro sa San Roque Elementary School at naninirahan sa nabangit na lugar.

Ayon kay Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas-7 ng umaga kamakalawa ng madiskubre ang krimen ng kapitbahay ng biktima  na si Herdofonso Timagel.

Ang bangkay ng biktima ay nagtamo ng tatlong malalalim na saksak sa katawan at nakagapos ang mga kamay kung saan ayon sa mga imbestigador ay ilang araw na itong patay.

Sa isinagawang ocular inspection ng pulisya ay nadiskubreng nawawala ang hindi pa madeterminang pera nito, isang unit ng cellular phone at iba pa kaya lumutang ang anggulo ng pagnanakaw sa krimen. 

 

Show comments