BATANGAS, Philippines- Tatlo-katao kabilang ang dalawang holdaper ang napaslang habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sa madugong holdapan sa isang hotel sa Barangay Sorosoro Karsada sa Batangas City, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Isa sa mga napatay ay ang kahera ng El Richland Travel Lodge na si Donna Blancalfor, 18, ng Barangay Mahabang Parang, Batangas City habang dalawa sa tatlong holdaper ay inaalam pa ang pagpapakilanlan.
Samantala, ang ikatlong holdaper na si Israel Aquino ng Bayog, Laguna ay naaresto matapos na masugatan sa shootout laban sa mga operatiba ng pulisya.
Kabilang din sa naÂsugatang naisugod sa Batangas Regional Hospital ay sina Justine Macalintal, 18, ng Rosario, Batangas; at Christian Jay Velila,18, ng Barangay Aguila, San Jose, Batangas; kapwa roomboys ng nasabing hotel.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Nicolas Torre, hepe ng Batangas City PNP, naitala ang insidente sa Richland bandang ala-1:45 ng madaling araw kung saan nagdeklara ng holdap ang tatlong armadong lalaki matapos tutukan ng baril si Donna.
Nabatid na patungo sana sa pier ng Batangas City ang may-ari ng hotel na si Noel Cantos para sunduin ang isa nilang kustomer nang tumawag ito sa information desk.
Nagawa pang maiangat ni Donna matapos itong manlaban sa mga holdaper kung saan narinig naman ni Cantos na sumisigaw ng tulong bago ang mga putok ng baril.
Agad namang tumawag sa himpilan ng pulisya si Cantos na nagmamadali ring bumalik sa travel lodge na habang papasok ay namataan pa ang tatlong holdaper na papatakas na magkakaangkas sa motorsiklo kaya iniharang nito ang kaniyang sasakyan sa daraanan.
Pinaputukan ni Cantos ang mga holdaper kung saan isa sa mga ito ang bumulagta habang bumalik naman sa loob ng hotel ang dalawa sa mga ito upang magtago.
Dito na dumating ang mga operatiba ng pulisya na nakabarilan pa ang dalawang holdaper kung saan napatay ang isa habang sugatang naaresto si Aquino.
Narekober naman sa crime scene ang dalawang cal. 9mm pistol, cal 45 pistol at cal. 40 kung saan isa mga baril ay ninakaw sa isang security guard sa Tanauan City, Batangas