NGCP tower pinasabog, gumuho: Malawakang brownout naranasan
SULTAN KUDARAT, Maguindanao, Philippines - Isang malakas na pagsabog ang gumulantang sa mga residente matapos bombahin at gumuho ang isa sa tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Ayon kay 6th Infantry Division Public Affairs Office Col. Dickson Hermoso, ang pagpapasabog ay nagresulta sa malawakang brownout na naranasan ng Cotabato City at karatig probinsiya tulad ng North Cotabato na nakakaranas ng rotating brownout na umaabot sa anim na oras kada araw.
Nabatid na dalawang improvised explosive device na gawa sa bala ng 81mm mortar ang itinanim ng mga armadong kalalakihan sa paligid ng NGCP tower number 168 sa Kilometer 14, Barangay Ladia sa bayan ng Sultan Kudarat.
Wala namang napaulat na namatay o nasugatan sa nasabing pagsabog.
Agad namang kinordon ng tropa ng militar ang blast site upang tiyaking ligtas sa anumang banta pa ng pagpapasabog kung saan gumuho ang nasabing tower.
Ipinakalat na ang mga elemento ng 2nd Special Civilian Armed Auxiliary (SCAA) at 17th Maguindanao Civilian Armed Auxiliary (CAA) sa nasabing lugar upang magsagawa ng security at foot patrol operation.
- Latest