NORTH COTABATO, Philippines - Inatake ng pangkat ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang kampo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa bahagi ng Barangay Kidama, bayan ng Matalam, North Cotabato kahapon.
Ayon sa tagapagsalita ng 602nd Infantry Brigade na si Captain Antonio Bulao, hepe ng civil military operations, sinunog ng mga miyembro ng BIFF ang ilang bahay ng mga miyembro ng MNLF kung saan sumiklab ang bakbakan.
Nagsilikas naman ang 70-pamilya sa takot na maipit sa kaguluhan.
Kaagad namang umatras ng mga rebelde na pinamumunuan ni Kumander Alimansur Imbong ng MILF 108th Command.
Lalong tumindi ang tensiyon sa pagitan nila kumander Datu Dima Ambil ng MNLF Sebangan Kutawato Revolutionary Committee (MNLF-SKsrc) at grupo ng MILF/BIFF.
Pinaniniwalaang rido at clan feuds ang isa sa pinag-ugatan ng kaguluhan sa bayan ng Matalam na nagsimula pa noong Mayo 2013. Â