Engineer, 1 pa tinodas sa hapunan

MANILA, Philippines - Pinaslang habang naghahapunan ang dalawang empleyado ng mining company kabilang ang isang inhinyero habang sugatan naman ang isang 16-anyos na binatilyo matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa Brgy. Vitali, Zamboanga City kamakalawa ng gabi.

 Kapwa dead-on-the-spot sa insidente ang mga biktimang kinilalang sina Engineer Felipe Nepomuceno at Romel Dayrit, pawang nasa hustong gulang at mga em­pleyado ng Atro Mining.

 Isinugod naman sa Vitali Lying In Clinic ang 16-anyos na binatilyong si Jaypee Joven, na tinamaan ng ligaw na bala sa kaniyang paa.

 Sa imbestigasyon, sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, dakong alas-8 ng gabi habang naghahapunan sina Nepomuceno at Dayrit sa isang carinderia sa lugar ng  sumulpot ang riding-in- tandem na mga suspek at pagbabarilin ang mga ito.

Ang mga suspek ay mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Tictapul, Zamboanga City  na ngayo’y tinutugis na ng mga awtoridad.

Show comments