Magkaibigan dedo sa duelo

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Nagwakas ang pagiging magkaibigan ng dalawang magsasaka matapos na magtagaan sa loob ng bahay ng barangay chairman sa Brgy. Bautista, bayan ng Jovellar, Albay kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang magkaibigan na sina Caloy Lotino, 49; at Willy Mancera, 59, kapwa nakatira sa nabanggit na bayan. Nabatid na magkasalong naghahapunan sina Lotino at Chairman Ronnie Mancera nang dumating si Mancera na may hawak ng matalim na itak at lango sa alak. Kaagad na kinompronta ni Mancera ang kaibigan hanggang sa mauwi sa pananaga. Kahit sugatan si Lotino ay naagaw naman nito ang itak mula kay Mancera kung saan gumanti naman. Kapwa bumulagta ang dalawa matapos maubusan ng dugo.

Show comments