SB member knockout sa piskal

MANILA, Philippines - Nagmistulang boksingero ang isang Assistant Provincial Prosecutor matapos nitong patumbahin sa suntok  ang 35-anyos na Sanggunian Bayan member  sa Barangay San Carlos, bayan ng Sta. Marcela, Apayao kamakalawa.

Nasa balag ng alanganing masibak sa tungkulin at makasuhan ang suspek na si Atty. Cyril Deza, binata, assistant provincial prosecutor sa Apayao at nakatira sa Barangay San Antonio.

Kinilala naman ang biktima na si Wilfred Martinez, SB member ng Sta. Marcela na nagtamo ng matinding pasa at namaga ang mukha sa naganap na insidente.

Sa police report ni P/Supt. Davy Vicente Limmong na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-2 ng madaling-araw nang sapakin ni Deza  ang biktima habang ginaganap ang pagtitipon sa nabanggit na barangay.

Ayon sa imbestigasyon, nasa impluwensya ng alak si Deza na ibig umanong wasakin ang sound system pero pinigilan ito ni Martinez kaya humantong sa panununtok ng suspek.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas si Deza habang nagtungo naman sa Sta. Marcel District Hospital ang biktima para sumailalim sa medical examination bago dumulog sa himpilan ng pulisya.

Show comments