13 na patay sa Benguet mishap

MANILA, Philippines - Umabot na sa 13-katao ang iniulat na nasawi matapos nahulog ang Ford Fiera van sa may 80-metrong lalim na bangin sa bahagi ng Sitio Bayoyo, Barangay Boyacaoan sa bayan ng Buguias, Benguet, kamakalawa ng hapon.

Kabilang sa mga unang napaulat na nasawi ay sina Biana Olsim, Manuel Langbis, Bino Waclin, Melania Madiano, Alfredo Pattian, Ferdilyn Igualdo, Arnaldo Madiano, Kimberly Waclin, Erna Tosay, Melanio Igualdo, Marrieta Gaspili, at si Melin Dasdas. 

Ayon kay PO1 Jeffferson Lopez ng Regional Tactical Operation, huling naitalang nasawi si Breille Waclin na kabilang sa sugatang ginagamot sa Benguet General Hospital.

Ginagamot naman sa Benguet General Hospital at Abatan Emergency Hospital ang mga sugatang sina Basilio Baldos, Oronio Agyapas, Ambrocio Menzi Jr., driver; Nicole Waclin, Wela Waclin, at si Ril Waclin.

Nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan si Jerry Bisaya Atas matapos na tumalon mula sa van nang maramdaman na may nakaambang panganib na sasalubong.

Ayon kay P/Chief Supt. Benjamin Magalong, Cordil­lera PNP director, lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na nawalan ng kontrol ang driver sa manibela ng Ford Fiera (ADD-784) matapos ang biglaang buhos ng ulan at foggy highway.

Ang mga biktima ay pauwi na sa bayan ng Abatan, Buguis mula sa thanksgiving party ni re-elected Mayor Melchor Diclas nang makasalubong ang trahedya bandang alas-2:30 ng hapon noong Sabado.

 

Show comments