North Cotabato isinailalim sa state of calamity

MANILA, Philippines - Dahil sa nilikhang pinsala ng intensity 5.7 magnitude na lindol noong Sabado ng gabi, isinailalim na kahapon sa state of calamity ang bayan ng Carmen sa North Cotabato.

Ayon kay Roy Dorado, hepe ng Office of Civil Defense Region 12, patuloy ang assessment at imbentaryo  sa iba pang mga gusali at kabahayan na winasak ng lindol.

Sa tala, pinakagrabeng naapektuhan ang Barangay Kibudtungan at Barangay Kimadzel kung saan umaabot sa 141 bahay ang napinsala.

Bukod sa mga bahay, ilang establisyemento ang naapektuhan at humina rin ang pundasyon ng ilang paaralan.

Pansamantalang nanuluyan ang mga apektadong pamilya sa Barangay Hall matapos na magtamo ng pinsala ang mga  bahay pero ang ilang residente ay bumabalik sa kanilang mga bahay tuwing umaga.

Kaugnay nito, inaasahan naman ng OCD Region 12 na tataas pa ang halaga ng pinsala mula sa inisyal na P56 milyon sa sandaling makumpleto na ang assessment sa lahat ng mga imprastrakturang naapektuhan.

Show comments