Nene nilamon ng tubig-ilog

MANILA, Philippines - Nilamon ng malakas na agos ng tubig ang 11-anyos na babae habang tumatawid sa ilog sa Barangay Lihan, bayan ng Jose Dalman, Zamboanga del Norte kamaka­lawa ng umaga.

Bandang alas-4 ng hapon nang marekober ang bangkay ni Maria Jea Esolana matapos malunod at lumutang sa ilog bandang alas- 3 ng hapon.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Ariel Huesca, spokesman ng PRO-9, lumilitaw na nagpaalam ang biktima sa ina nito na mauuna ng uuwi matapos  na bumisita ang mag-ina sa isa nilang kamag-anak.

Pinayagan naman ng ina ang anak na umuwi na kasama ang pinsang 10-anyos pero habang naglalakad ay inabutan ng malakas na ulan.

Gayon pa man, itinuloy ng magpinsan na tumawid sa ilog subalit biglang maisipan ng biktima na mamulot muna ng mga niyog na tinatangay ng agos habang naghihintay sa kabilang pampang ang pinsang si Junel lsidas.

Dito na rumagasa ang malakas na agos ng tubig-ilog kung saan tinangay ang biktima  habang nagtatakbo naman ang pinsan nito para humingi ng tulong.

Show comments