Ina inutas ng 15-anyos anak

MANILA, Philippines - Dahil sa hindi pinayagang makipag-date  sa kaniyang boyfriend, nagawang saksakin at mapatay ang 44-anyos na ina ng kanyang 15-anyos na anak na dalagita sa Dreamland Subdivision, Barangay Pico, bayan ng La Trinidad, Benguet kamakalawa kahapon.

Kinilala ang nasawing biktima  na si Maria Rizza Cabautan, kahera ng Philippine Science High School sa San Vicente, Baguio City, nagtamo ng malalim na saksak sa tiyan at mga kagat sa mga kamay habang arestado naman ang menor-de-edad na suspek na itinago sa pangalang Carla.

Sa ulat ni P/Supt. Davy Vicente Limmong, taga­pagsalita ng Cordillera PNP, bandang alas-5:30 ng hapon nang makatanggap ng ulat kaugnay sa kaso ng pagpatay ng tinedyer sa sarili nitong ina.

Base sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ina bandang alas-9 ng gabi  dahil nagpupumilit ang suspek na lumabas ng kanilang bahay para makipag-date sa boyfriend.

Sumiklab ang mainitang pagtatalo ng mag-ina na humantong sa pangangagat ng tinedyer sa kanang kamay ng ina na hindi pa nakuntento ay kumuha pa ng patalim sa kusina at inundayan ng saksak sa tiyan ang ina.

Duguang bumagsak ang ina sa sahig kung saan nagtatakbo na ang tinedyer na nakipagkita sa kaniyang boyfriend sa kahabaan ng Marcos Highway sa Baguio City.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto naman ang tinedyer na suspek na itinurnover sa kustodiya lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

 

Show comments