School admin pisak sa bus

BULACAN, Philippines – Biglang dinagit ni kamatayan ang 50-anyos na school administrator matapos mahagip ng pampasaherong bus sa gilid ng highway sa Barangay Maharlika, San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng umaga. Namatay habang ginagamot sa Grace General Hospital ang biktimang si Gina Marso, 50, ng Brgy. Bagong Nayon, Cogeo, Antipolo City, Rizal habang  sumuko naman ang driver ng bus na si Jordie Montuerto, 34, ng Amoranto Towerville, Brgy. Minuyan Proper. Sa ulat ni PO3 Dwight Danao, nakatayo at papatawid na sana ang biktima sa Quirino Highway patungo sa pinapasukang eskuwelahan nang mahagip ng Luzon Bus Liner (TXT-578). Nabatid na nakipagkarera ang nasabing bus sa isa pang bus para makapagsakay ng mga pasahero subalit nawalan ng kontrol ang driver kaya nahagip ang biktima na nakatayo lamang sa gilid ng highway.

Show comments