Mag-ina minasaker dahil sa lupa

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Pinaniniwalaang malawak na lupain ang isa sa motibo kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang mag-ina ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa liblib na bahagi ng Barangay Gabon, bayan ng Polangui, Albay kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang mag-inang biktima na tadtad ng tama ng saksak sa katawan ay sina Salvacion Caranza at Christian Caranza, 15, binata at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Bandang alas-6 ng ­umaga nang matagpuan ng mga barangay tanod ang bangkay ng mag-ina sa loob ng kanilang tahanan.

Sariwa pa ang dugo ng mag-ina nang madiskubre ng ilang barangay opisyal kung saan palatandaan ilang minuto pa lamang ang nakalipas bago pinaslang ang mga biktima.

Ayon sa pulisya, wala namang tinangay na personal o anumang gamit ng mag-ina na sinasabing nagmamay-ari ng malawak na lupain sa nasabing bayan.

May teorya ang pulisya na pinatay ang mag-ina para ‘di sagabal sa pagkamkam ng mga ‘di-kilalang grupo sa sinasabing ma­lawak na lupain.

Show comments