TUGUEGARAO CITY, Philippines- Mas lalong tumindi ang tensiyon sa lalawigan ng Isabela matapos ratratin at pasabugin ang apat pang bahay ng mga kilalang political supporters sa bayan ng Echague at Santiago City kamakalawa.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Severino Abad, PNP provincial director, wala naman nasawi o nasaktan sa pambobomba sa mga bahay nina Sammy Navarro, Clarita Centeno, kapwa nakatira sa Barangay Rizal at Orestes Ferrer ng Barangay Victory Norte.
Kabilang sa mga tumatakbo sa mayoralty race sa Santiago City ay sina Dr. Maximin Navarro ng NP na anak ni outgoing Mayor Amy Navarro na nasa ikatlong termino na; Vice Mayor Alvin Abaya ng NPC; Joseph Tan ng LP; at ang mga Independent candidates na sina Antonio Alkalde at dating City Mayor Pempe Miranda.
Samantala, niratrat at grinanada ang bahay ni Chairman Manuel Salarzon, 67, ng Barangay Ipil sa bayan ng Echague.
Wasak ang kotse at mga bintana ng bahay ni Salarzon bagama’t walang nasawi o nasaktan sa insidente, ayon kay Isabela PNP spokesman P/Supt. Narciso Paragas.
Nabatid na kumakandidato sa pagka-alkalde sa bayan ng Echague sina Mayor Melinda Kiat laban sa mga independent candidates na sina Walter Uy at Edward Sy.
Nauna nang napaulat ang pamamaril sa bahay ng mga political supporters sa bayan ng Luna at mayoralty bet sa bayan naman ng San Mateo.