Truck sinunog ng NPA, escort kinidnap

MANILA, Philippines - Sinunog ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang 10-wheeler truck habang kinidnap naman ang escort nito matapos  harangin sa highway ng Bislig City, Surigao del Sur, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Mario Ytac, driver ng XRM motorcycle na escort naman ng Saddam ten wheeler truck.

Dakong alas-11 ng gabi ng harangin ng limang armadong rebelde sa Road 41, Brgy. San Roque ng lungsod na ito ang naturang truck.

Minamaneho ni Bebot Tampos ang truck habang nagsisilbi namang escort nito ang isang motorsiklo na minamaneho naman ni Ytac ng mangyari ang insidente.

Walang nagawa ang mga biktima matapos na tutukan ng baril ng mga rebelde kung saan iginapos ng mga ito si Tampos at ang helper na si Bebe Macaylas pero tina­ngay si Ytac na pinagmaneho ng motorsiklo na ginamit ding getaway vehicle ng mga rebelde.

Natukoy naman na ang lider ng mga rebelde ay si Renato Sayatsat ng NPA Front Committee 14 na nangi­ngikil ng revolutionary tax sa may-ari ng truck na si Engineer Dodoy Go ng Bislig City.

Show comments