MANILA, Philippines - Anim sa 13 bilanggo na pumuga sa detention cell ng Sagay City Jail sa Negros Occidental ang nasakote muli ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod ng Cadiz at Sagay, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., unang naaresto dakong alas-4:40 ng hapon nitong Biyernes sina Rolando Bajo, lider ng mga tumakas na inmates at Jake Espanola; pawang nahaharap sa kasong murder.
Ayon kay Cruz, ang mga suspek ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng Cadiz City Police at ng lokal Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Ceres terminal, Cadiz City bandang alas-4:40 ng hapon. Ang mga ito ay kabilang sa 13 preso na pumuga sa Sagay City Jail noong Abril 17 bandang alas – 5:30 ng hapon.
Sa follow-up operations dakong alas-10:45 ng umaga nitong Sabado ng masakote naman ang apat pang preso sa Brgy Rafaela Barrera, Sagay City. Ang mga ito ay nakilalang sina Jimmy Vistar, Jolito Subtinente, Joemar Libiester at Joenard Quirante.