MANILA, Philippines - Napaslang ang lider ng Army’s Peace and DevelopÂment Outreach Program (PDOP) team matapos asintahin ng dalawang sniper ng New People’s Army sa bayan ng New Corella, Davao del Norte kamakalawa.
Kinilala ni Captain NaÂthaniel Morales, spokesman ng Army’s 1003rd Infantry Brigade ang biktima na si Corporal Zalde Sario ng PDOP sa ilalim ng Army’s 60th Infantry Battalion.
Nabatid na abala ang team ni Sario sa pagtulong sa komunidad ng Purok 7, Brgy. Sta. Fe, New Corella nang nasapul ng mga tama ng bala sa tiyan.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang sniper ng NPA ang umakyat sa bubungan ng Purok Chapel na may 100 metro ang layo kay Sario na nakikipagpulong sa mga sibilyan kaugnay sa proyektong pangkomunidad.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw mula sa M14 rifle na sumapul sa katawan ni Sario na agad bumulagta.
Binigyan ng first aid si Sario bago ito isinugod sa Tagum City Regional Hospital pero nabigong maisalba ang buhay.
Kinondena naman ni Lt. Col. Llewellyn Binasoy, commander ng Army’s 60th Infantry Battalion ang insidente.