Trader patay, 3 grabe sa killer van

MANILA, Philippines - Bulagta ang 56-anyos na shop owner habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan matapos na araruhin ng van ang vulcanizing shop at katabi nitong bahay sa Barangay Upper Pulacan sa bayan ng Labangan, Zamboanga del Sur kamakalawa ng umaga. Kinilala ang nasawi na si Mario Mosqueda habang isinugod naman sa ospital ang tatlong nasugatan na sina Erica Clet, 18; Corporal Noel Custodio, 25; ng 1st post Engineering Department ng Army’s 1st Infantry Division at ang habal-habal driver na si Marlon Miranda, 29. Pinaniniwalaang nawalan ng preno ang van (GCX992) kaya nabigo ang driver na kontrolin ang manibela hanggang sa araruhin ang vulcanizing shop at bahay ni Mosqueda. Sa halip na tulungan ang mga biktima ay tumakas ang di-kilalang driver ng van kung saan inabandona ang sasakyan.

 

Show comments