CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa masayang picnic matapos malunod ang 56-anyos na turistang Kano sa Puraran Beach Resort sa bayan ng Baras, Catanduanes kamakalawa ng hapon. Bandang alas-5:33 ng hapon nang malunod ang biktimang si Mike Scot Standlund ng Minnesota USA. Nabatid na napadako ang biktima sa malalim na bahagi ng beach resort kung saan ito nagkakawag at humihingi ng saklolo sa kanyang misis na si Juvelyn. Sa pag-aakalang nagbibiro ang biktima ay binalewala ito ni Juvelyn subalit sinaklolohan ito ng mag-utol na Chris at Levi Tanael. Naisugod naman sa Baras Medicare Hospital subalit idineklarang patay ang biktima.