Dalaga nagbigti

MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang Pasay City Police upang matiyak kung sadyang nagbigti ng isang dalaga na natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang kuwarto, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.

Nakilala ang nasawi na si Lilibeth Tortosa, 21-anyos,  Estrella St., ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Pasay Police Station Investigation Detective Management Section, dakong alas-8:25 kamakalawa ng gabi nang makatanggap sila ng tawag buhat sa Police Community Precinct 2 ukol sa pagkakatagpo sa bangkay ng biktima.

Ayon kay Eduardo Cara­quil, kapitbahay ng biktima, dakong alas-11:30 kamaka­lawa ng tanghali nang magtungo siya sa bahay ng biktima upang bigyan ito ng pagkain ngunit hindi siya pinagbuksan kahit makailang beses siyang kumatok.

Muling bumalik si Cara­quil dakong alas-7:30 ng gabi ngunit hindi pa rin siya pinagbuksan kaya naghinala na siya. Dito puwersahang binuksan ni Caraquil ang pinto ng bahay at tumambad umano sa kanya ang nakabigting bangkay ng biktima gamit ang isang extension wire.

Wala namang nakuhang anumang suicide note ang mga imbestigador.  Nagsasagawa ngayon ng follow-up investigation ang mga otoridad habang nakatakdang isailalim sa dagdag na pagtatanong si Caraquil.

Nakatakda ring isailalim sa  awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito at matiyak na walang “foul play” sa insidente.

 

Show comments