TUGUEGARAO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang dahilan sa pagmamalupit, patay ang isang magsasaka matapos suwagin ng umalma nitong alagang kalabaw sa malaÂgim na insidente sa Paoay, Ilocos Norte kamakalawa.
Sa ulat na nakalap sa Provincial Veterinary Office, kinilala ang biktima na si Ronaldo Abuy, residente ng Brgy.8 sa bayang ito.
Si Abuy ay binawian ng buhay sa insidente matapos na halos madurog ang atay sa tindi ng pagkakasuwag ng kaniyang alagang kalabaw.
Sinasabing pinagmamalupitan umano ni Abuy ang alagang hayop na madalas pang masaksihan ng mga kapitbahay nito.
Kasalukuyan umanong hinahagupit ng biktima ang kaniyang kalabaw nang bigla itong magwala.
Nanlisik umano ang mata ng kalabaw saka bigla na lamang sinuwag ang biktima na nasapul sa kaniyang atay.
Sa pahayag naman ni Provincial Veterenarian, Dr. Loida Valenzuela, sinabi nito na hindi mananakit ang mga alagang hayop dahilan sa marunong ang mga itong kumilala ng kanilang mga amo maliban na lamang kung sobra na ang pananakit sa mga ito.