Landslide: 4 dedo, 5 nawawala

MANILA, Philippines - Apat-katao ang kumpirmadong nasawi habang limang iba pa ang nawawala makaraang matabunan ng landslide ang dalawang motorsiklo at pampasaherong jeepney sa Mati City, Davao Oriental noong Martes ng hapon.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Arturo Sucnaan, 57; Arnel Sucnaan, 35; Leonora Mabandos; pawang mga pasahero ng jeepney at isa pang hindi natukoy ang pagkakakilanlan na kaangkas sa motorsiklo.

Samantala, lima pa sa mga biktima ang patuloy na pinaghahanap ng search and retrieval team

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, bandang alas-12:50 ng hapon ng rumagasa ang landslide sa Sitio Ulasisi, Barangay Tagabakid.

Sa inisyal na ulat, lumilitaw na pauwi na ang mga biktima lulan ng dalawang motorsiklo at  pampasaherong jeepney  nang matabunan ng gumuhong lupa mula sa kabundukan sa gilid ng highway.

Narekober naman ang bangkay ng mga biktima matapos na rumesponde ang pangkat ng search and rescue makalipas ang ilang oras.

Show comments