Spokesman ng tribo, binoga

MANILA, Philippines - Pinagbabaril nang mala­pitan at napaslang ng hindi pa nakilalang nag-iisang arma­dong salarin ang tagapagsalita ng Boracay Ati Tribal Organization (BATO) sa naganap na karahasan sa Brgy. Manoc-Manoc II, Boracay Island, Malay, Aklan nitong Biyernes ng gabi.

 Dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang kinilalang si Dexter Condez, 26-anyos, residente ng Brgy. Manoc-Manoc sa nasabing isla.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-9:08 ng gabi habang pauwi na ang biktima galing sa pagpupulong sa Brgy. Balabag at naglalakad sa nasabing lugar nang mang­yari ang insidente.

Sa imbestigasyon ng Bo­racay Tourist Police Assistance Center (BTPAC), ka­sa­­­lukuyang naglalakad ang biktima nang bigla na lamang itong sundan ng hindi pa nakilalang salarin at pagbabarilin ng walong beses na siya nitong dagliang ikinasawi.

Mabilis namang tumakas ang salarin na sinamantala ang pagkakagulo ng mga turista sa nasabing isla. Na­rekober naman ng mga nag­respondeng elemento ng BTPAC ang mga basyo ng bala ng hindi pa natukoy na kalibre ng baril.

Pinaniniwalaan namang alitan sa lupain ang motibo ng krimen.

Show comments