TUGUEGARAO CITY, Philippines - Nagpositibo sa bawal na droga ang 11 kawani ng Kapitolyo ng probinsiya ng Cagayan batay sa isinagawang random testing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Miyerkules.
Ayon kay PDEA Regional Officer Juvenal Azurin, dadaan pa rin sa confirmatory testing ang 11 kawani bago ito tuluyang patawan ng kaukulang parusa ni Governor Alvaro Antonio. Sinabi ni Gov. Antonio na tatanggalin niya sa serbisyo ang sinumang magpositibo sa paggamit ng droga sa kanyang 1,500 kawani at opisyal.
Matatandaan na nakipag-ugnayan si Gov. Antonio sa pamunuan ng PDEA para magsagawa ng random testing sa kanyang mga tauhan matapos mabalitaan na ilan sa mga ito ay naging pasaway sa pulisya dahil sa pagkakasangkot sa paggamit at pagtutulak ng bawal na droga.
Noong nakaraang taon, dalawang provincial guards ang nadakma ng pulisya dahil sa pagtutulak ng droga.