LAGUNA, Philippines - Tatlong kalalakihan na sinasabing pinaghihinalaang miyembro ng carnapping gang ang napaslang ng mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng San Pedro, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Sa police report na nakarating kay Laguna P/Senior Supt. Pascual Muñoz Jr., bandang alauna y medya ng madaling-araw nang makasagupa ng pulisya ang tatlo sa bisinidad ng New Avenue sa Barangay GSIS.
Lumilitaw na bago maka-enkuwentro ng pulisya ang tatlo ay hinarang ng mga ito ang motorsiklo ni Geronimo Layug Jr. sa kahabaan ng Pacita Complex 1, Brgy. San Vicente, San Pedro.
Napag-alamang huminto si Layug matapos may tumawag sa cellphone nito kung saan natiyempuhan naman ng tatlo na lulan din ng motorsiklo.
Agad tinutukan ng baril ang biktima kung saan kinuha ang cellphone saka tinangay ang motorsiklo nito.
Naipaabot naman ng biktima sa presinto ng pulisya ang insidente kaya nagkahabulan na nauwi sa palitan ng putok hanggang sa bumulagta ang tatlo na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nagawang maisugod sa Jose Amante Hospital ang isa sa tatlo subalit namatay din.
Sa tala ng pulisya, ang mga suspek din ang nangholdap kay San Pedro Assistant Provincial Prosecutor Jose de Leon kung saan tinangay din ang cellphone at motorsiklo.
Narekober ang dalawang motorsiklo, isa rito ay pag-aari ni Layug , mobile phone na pag-aari ng biktima, dalawang cal. 38 revolver, cal. 22 revolver, at mga basyo ng bala.