Ex-US Marine hinostage ang sarili

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Naburyong sa matinding panibugho ang isang 36-anyos na dating US Marines matapos na i-hostage ang sarili  nang mabigong magpakita ang live-in partner sa loob ng kaniyang selda sa Laoag City, Ilocos Norte kamakalawa.

Kinilala ni Ilocos Norte Police Spokesman Supt. Jeffrey Gorospe ang ex-US serviceman na si Scott Patrick Owens na residente ng Brgy. Buttong sa lungsod.

Nabatid na hinostage ni Owens ang sarili at nagbantang sasaktan pa nito ang katawan kapag hindi magpakita ang ka live-in nito na si Suwerte Bagaoisan na umuwi sa kanilang lugar sa Brgy. Baay, Batac City.

Kinontak naman ng pulisya si Bagaoisan pero tumanggi itong humarap sa Amerikano na inakusahan nitong ginugulpi siya at tinututukan ng baril sa tuwing malalasing sanhi ng matinding selos.

Sa halip, sinabi ni Bagaoisan na determinado na siyang ipa-deport ang dating lover na kaniyang nilayasan.

Show comments