TUGUEGARAO CITY , Philippines - Sa halip na kasiyahan ay pagluluksa sa Bagong Taon ang idinulot ng senglot na tricycle driver na nasawi matapos na masangkot sa karambola ng tatlong sasakyan sa tapat ng punerarya sa kahabaan ng Highway sa Barangay Tarinsing sa bayan ng Cordon, Isabela kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Vicente Valdez ang biktima na si Richard Yanus, 26, ng Barangay Turod Norte sa nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima mula sa inuman nang makipagkarera ito sa kotse na minamaneho ni Giovanni Corpuz, 39, ng Taguig City.

Nabatid na nabitin ang biktima sa pag-overtake sa kotse at sa kalasingan ay nasagi ang likuran ng sasakyan kaya tumalsik sa kabilang linya ng kalsada.
Dito na tinumbok ng traysikel ang kasalubong na isa pang rumaragasang kotse ni Rhino Sabuero ng Brgy. Cabugao, Echague.

Namatay ang biktima sa ospital habang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang kotse habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.