Biyenan pinatay sa gulpi ng manugang

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Kamatayan sa pagpapalit ng taon ang sumalubong sa 69-anyos na biyenan matapos gulpihin ng sari­ling manugang sa harapan ng mga kainuman sa liblib na Barangay Namnama sa bayan ng Jones, Isabela noong bisperas ng Bagong Taon.

Kinilala ni P02 John Medina ang biktima na si Gregorio Castronuevo habang nasakote naman ang suspect na si Richard Viluan, 48.

Napag-alamang nagalit ang suspek sa kanyang misis na si Remy matapos pauwiin mula sa pakikipag-inuman sa ilang kapitbahay na lalaki.

Dahil sa napahiya ang suspek ay pinagbuhatan ng kamay ang misis sa harapan ng kanyang mga kainuman na nasaksihan naman ng biktima.

Nabatid na lumapit ang biktima sa nag-aaway na mag-asawa para ma­magitan subalit maging siya ay hinarap ng suspect saka ginulpi binugbog hanggang sa mawalan ng malay.

Bagama’t nagulpi na ang matanda, nagpasyang kuyugin ang suspect ng mga kainuman nito nang ayaw pang tigilan ang panlalamog sa biktimang nakahandusay na.

Isinuko ng kanyang mga kainuman ang suspect sa pulisya habang namatay naman sa ospital ang biktima nang sumunod na araw.

Show comments