NPA attack silat: 5 rebelde timbog

MANILA, Philippines - Nasilat ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang planong pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa tatlong bayan ng Quezon matapos maaresto ang tatlong namumuno sa grupo at dalawang iba pa sa checkpoint sa San Franciso, Quezon nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni AFP-Southern Luzon Command Spokesman Col. Generoso Bolina ang mga nasakote na sina Dennis Quidor alyas Angel/Jabar, gunner ng M60 machinegun; Rodrigo Guevarra alyas Josha at Eliseo Lopez; pawang lider ng team ng grupo ng mga rebeldeng nagpaplano ng pag-atake.

Ang dalawang iba pa ay sina Alex Herez at Ariel Bordane; pawang ng nagsanib puwersa ng mga rebeldeng NPA na namumugad sa Southern Tagalog at Bicol Region.

Sinabi ng opisyal bandang alas-11 ng gabi ng masakote ang mga suspek sa inilatag na checkpoint sa Tayuman  Patrol Base sa San Francisco, Quezon. Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na makorner sa checkpoint.

Sa inisyal na imbestigasyon ay nabatid na plano ng mga itong umatake sa mga bayan ng San Francisco, Mulanay at San Narciso base sa nakuhang mga dokumento sa mga ito.

Nasamsam sa mga ito ang improvised na bomba, sari-saring mga armas, bala at mga subersibong dokumento.

 

Show comments