Simbahan nasunog: lola utas

MANILA, Philippines - Patay ang isang 70 anyos na lola makaraang aksidente itong makulong ng apoy sa loob ng nasusunog na simbahan ng isang sekta ng relihiyon sa Brgy. Sta Lucia, Dolores, Quezon kamakalawa.

 Sa ulat ng Quezon Police, kinilala ang nasawing matanda na si Lily Lagura , residente ng  Brgy. Sta Lucia ng bayang ito. 

Ang bangkay ng matanda ay narekober dakong alas-11 ng umaga nitong Biyernes na hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkatupok ng katawan nito.

 Base sa imbestigasyon, bandang alas-9:30 ng gabi noong Huwebes ng tupukin ng apoy ang Centro General Building ng Iglesia del Ciudad Mistika de Dios, isang religious compound ng Suprema Isabel Suarez sa naturang lugar.

 Naapula naman ang apoy dakong alas-1:55 ng mada­ling araw nitong Biyernes pero tuluyang naabo ang nasabing gusali ng naturang sekta ng relihiyon.

 Lumilitaw naman sa imbestigasyon na ang isang napabayaang kandila ang sanhi ng sunog na tumupok sa tatlong palapag ng nasabing sekta ng relihiyon na itinuturing na Santo ang pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal.

 Samantalang umaabot naman sa P 15 M ang pinsala ng naganap na sunog sa nasabing lugar.

Show comments