Mister naburyong, bahay sinunog

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Dahilan sa sobrang dep­resyon sa kabiguang mapauwi ang nagtatampong misis, isang mister na lango sa alak ang nagsunog ng kanilang tahanan sa Brgy. Gaddam, Abulug, Cagayan kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Federico Baro Sr. na nakipag-inuman muna umano sa kaniyang biyenan upang kumbinsihin ang kaniyang asawa na umuwi na sa kanilang bahay.

Ang insidente ng pag-aaway ng mag-asawa ay sanhi ng matinding selos ng nasabing mister sa kaniyang maybahay na nag-alsa balutan at umuwi sa kaniyang mga magulang.

Nagbanta umano ang nasabing mister sa ginang na kapag hindi ito umuwi ay susunugin niya ang kanilang tahanan.

Ginawa naman ng suspek ang kanyang banta at nagsilab ito ng mga tuyong dahon ng anahaw sa ibabaw ng kanilang kama na aniya’y simbolo ng kanilang pagsasama hanggang sa tuluyang maabo ang nasa­bing tahanan.

Nahaharap ngayon sa kasong arson ang desperadong mister.

 

 

Show comments